[Mag-ayuno ng] mga araw na bilang; ngunit ang sinumang kabilang sa inyo ay naging may-sakit o nasa isang paglalakbay ay [mag-aayuno ng mismong] bilang mula sa ibang mga araw. Kailangan sa mga nakakakaya nito ay isang pantubos na pagpapakain sa mga dukha; ngunit ang sinumang nagkusang-loob ng isang kabutihan, ito ay higit na mabuti para sa kanya. Ang mag-ayuno kayo ay higit na mabuti para sa inyo kung kayo ay nakaaalam. Al-Baqarah 2:184 ⧉
Tafsīr:
Ang pag-aayunong isinatungkulin sa inyo ay na mag-ayuno kayo sa mga araw na kakaunti ng isang taon; ngunit ang sinumang kabilang sa inyo ay may-sakit na isang sakit na humihirap sa kanya ang pag-aayuno o naglalakbay, maaari sa kanya na tumigil-ayuno, pagkatapos kailangan sa kanya na magbayad-ayuno ng kasing dami ng itinigil-ayuno na mga araw. Kailangan sa mga nakakakaya sa pag-aayuno ay isang pantubos, kapag tumigil-ayuno sila. Ito ay pagpapakain ng isang dukha kapalit sa bawat araw na tumigil-ayuno sila. Ang sinumang nagdagdag sa pagpapakain ng iisang dukha o nagpakain nito kasama ng pag-aayuno, iyon ay higit na mabuti para sa kanya. Ang pag-aayuno ninyo ay higit na mabuti para sa inyo kaysa sa pagtigil-ayuno at pagbibigay ng pantubos, kung kayo ay nakaaalam sa taglay ng pag-aayuno na kalamangan. Ang patakarang ito noon ay sa unang [pagkakataong] isinabatas ni Allāh ang pag-aayuno sapagkat noon ang sinumang nagnais ay nag-aayuno at ang sinumang nagnais ay tumitigil-ayuno at nagpapakain. Pagkatapos nagsatungkulin si Allāh ng pag-aayuno matapos niyon at nag-obliga nito sa bawat nasa hustong gulang na nakakakaya.