Surah Al-Baqarah (Ang Baka — البقرة) (Talata 275)

Gamitin ang tool sa paghahanap sa ibaba upang makita ang isa o higit pang mga Ayah mula sa isang partikular na Surah, kasama ang kanilang salin sa napili mong wika.




2 Al-Baqarah(البقرة), Talata 275

الَّذِينَ يَأْكُلُونَ الرِّبَا لَا يَقُومُونَ إِلَّا كَمَا يَقُومُ الَّذِي يَتَخَبَّطُهُ الشَّيْطَانُ مِنَ الْمَسِّ ۚ ذَٰلِكَ بِأَنَّهُمْ قَالُوا إِنَّمَا الْبَيْعُ مِثْلُ الرِّبَا ۗ وَأَحَلَّ اللَّهُ الْبَيْعَ وَحَرَّمَ الرِّبَا ۚ فَمَنْ جَاءَهُ مَوْعِظَةٌ مِنْ رَبِّهِ فَانْتَهَىٰ فَلَهُ مَا سَلَفَ وَأَمْرُهُ إِلَى اللَّهِ ۖ وَمَنْ عَادَ فَأُولَٰئِكَ أَصْحَابُ النَّارِ ۖ هُمْ فِيهَا خَالِدُونَ 275 ٢٧٥

Ang mga kumakain ng patubo ay hindi bumabangon malibang kung paanong bumangon ang pinatuliro ng demonyo dahil sa kabaliwan. Iyon ay dahil sila ay nagsabi na ang pagtitinda ay tulad ng patubo lamang. Nagpahintulot si Allāh ng pagtitinda at nagbawal Siya ng patubo. Kaya ang sinumang dinatnan ng isang pangaral mula sa Panginoon niya at tumigil siya, sa kanya na ang nagdaan [na nakuha niya] at ang nauukol sa kanya ay kay Allāh. Ang sinumang nanumbalik, ang mga iyon ay ang mga maninirahan sa Apoy; sila ay doon mga mananatili. (275)

Tafsīr
Ang mga nakikitungo sa patubo at kumukuha nito ay hindi babangon sa Araw ng Pagbangon mula sa mga libingan nila malibang tulad ng pagbangon ng may kabaliwan mula sa demonyo sapagkat babangon siya mula sa libingan niya nang nabubuwal kung paanong nabubuwal ang may epilepsya sa pagbangon nito at pagbagsak nito. Iyon ay dahilan sa sila ay nagturing ng pagpapahintulot ng pakikinabang sa patubo. Hindi sila nakatalos sa pagkakaiba sa pagitan ng patubo at anumang ipinahintulot ni Allāh na mga kinikita sa pagtitinda sapagkat nagsabi sila: "Ang pagtitinda ay tulad ng patubo lamang sa pagiging ipinahihintulot sapagkat ang bawat isa sa dalawa ay humahantong sa pagkadagdag ng salapi at paglago nito." Ngunit tumugon si Allāh sa kanila, nagpawalang-saysay Siya sa paghahambing nila, at nagpasinungaling Siya sa kanila. Nilinaw Niya na Siya – pagkataas-taas Siya – ay nagpahintulot sa pagtitinda dahil sa dulot nito na pakinabangang pampubliko at pampribado at nagbawal naman sa patubo dahil sa dulot nito na kawalang-katarungan at paglamon sa mga salapi ng mga tao nang walang-kabuluhan na walang kapalit. Kaya ang sinumang dinatnan ng isang pangaral mula sa Panginoon niya na may pagbabawal at pagbibigay-babala laban sa patubo saka tumigil dito at nagbalik-loob, para sa kanya ang nakalipas na pagkuha niya ng patubo habang walang kasalanan sa kanya roon. Ang nauukol sa kanya ay nasa kay Allāh sa kahaharapin niya matapos niyon. Ang sinumang nanumbalik sa pagkuha ng patubo matapos na umabot sa kanya ang pagsaway mula kay Allāh at nalahad sa kanya ang katwiran, naging karapat-dapat nga siya sa pagpasok sa Impiyerno at pananatili roon. Ang pananatiling ito sa Apoy ay ang pumapatungkol sa paglamon ng patubo habang nagtuturing ng pagpapahintulot nito o ang pumapatungkol sa matagal na pamamalagi roon sapagkat tunay na ang pananatiling palagian doon ay hindi mangyayari maliban sa mga tagatangging sumampalataya samantalang ang mga alagad naman ng Tawḥīd ay hindi mamalagi roon.

Bilang alternatibo, maaari mong gamitin ang matalinong tampok sa paghahanap sa ibaba