Tunay na ang mga tumangging sumampalataya at sumagabal sa landas ni Allāh at Masjid na Pinakababanal na ginawa Namin para sa mga tao na magkapantay ang namimintuho roon at ang dumadayo. Ang sinumang nagnanais doon ng isang paglapastangan sa pamamagitan ng isang kawalang-katarungan ay magpapalasap Kami sa kanya ng isang pagdurusang masakit. Al-Ḥajj 22:25 ⧉
Tafsīr:
Tunay na ang mga tumangging sumampalataya kay Allāh, naglilihis sa iba pa sa kanila palayo sa pagpasok sa Islām, at sumasagabal sa mga tao sa Masjid na Pinakababanal, tulad ng ginawa ng mga tagapagtambal noong taon ng Ḥudaybīyah, ay ipalalasap sa kanila ang pagdurusang masakit. Ang masjid na iyon na ginawa bilang qiblah para sa mga tao sa dasal nila at isang pinagdadausan mula sa mga pinagdadausan ng ḥajj at `umrah ay nagkakapantay roon ang taga-Makkah na nakatira roon at ang nagsasadya roon na hindi kabilang sa mga naninirahan sa Makkah. Ang sinumang nagnanais doon ng isang pagkiling palayo sa katotohanan sa pamamagitan ng pagkakasadlak sa anuman sa mga pagsuway nang sinasadya, magpapalasap Kami sa kanya ng isang pagdurusang nakasasakit.