Hindi ka makatatagpo ng mga taong sumasampalataya kay Allāh at sa Huling Araw na nakikipagmahalan sa sinumang sumalansang kay Allāh at sa Sugo Niya, kahit pa man ang mga ito ay mga magulang nila o mga anak nila o mga kapatid nila o angkan nila. Ang mga iyon ay sinulatan Niya sa mga puso nila ng pananampalataya at inalalayan Niya sa pamamagitan ng isang espiritu mula sa Kanya. Magpapapasok Siya sa kanila sa mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito. Nalugod si Allāh sa kanila at nalugod sila sa Kanya. Ang mga iyon ay ang lapian ni Allāh. Pansinin, tunay na ang lapian ni Allāh ay ang mga matagumpay. Al-Mujādilah 58:22 ⧉
Tafsīr:
Hindi ka makatatagpo, O Sugo, ng mga taong sumasampalataya kay Allāh at sumasampalataya sa Huling Araw na umiibig at nakikipagtangkilikan sa sinumang nakipag-away kay Allāh at sa Sugo Niya, kahit pa man ang mga kaaway na ito para kay Allāh at para sa Sugo Niya ay mga magulang nila o sila ay mga anak ng mga ito o sila ay mga kapatid ng mga ito o angkan nila na kinauugnayan nila dahil ang pananampalataya ay humahadlang sa pakikipagtangkilikan sa mga kaaway ni Allāh at ng Sugo Niya at dahil ang ugnayan ng pananampalataya ay higit na mataas kaysa sa lahat ng mga ugnayan sapagkat ito ay inuuna sa sandali ng salungatan. Ang mga hindi nakikipagtangkilikang iyon sa sinumang nakipag-away kay Allāh at sa Sugo Niya – kahit pa man ang mga ito ay mga kamag-anak – ay ang mga pinatibay ni Allāh ang pananampalataya sa mga puso nila kaya naman hindi nagbabago ito at pinalakas Niya sila sa pamamagitan ng isang patotoo mula sa Kanya at isang liwanag. Magpapapasok Siya sa kanila sa Araw ng Pagbangon sa mga Hardin ng Eden na dumadaloy mula sa ilalim ng mga palasyo ng mga ito at mga punong-kahoy ng mga ito ang mga ilog bilang mga mamamalagi sa mga ito magpakailanman. Hindi napuputol sa kanila ang kaginhawahan sa mga ito at hindi sila mapupuksa. Nalugod si Allāh sa kanila sa isang pagkalugod na hindi Siya maiinis matapos nito magpakailanman, at nalugod sila mismo sa Kanya dahil sa ibinigay Niya sa kanila na kaginhawahang hindi nauubos. Kabilang dito ang pagkakita [nila] sa Kanya – kaluwalhatian sa Kanya. Ang mga nailalarawang iyon ayon sa nabanggit ay ang mga kawal ni Allāh, na mga sumusunod sa ipinag-utos Niya at nagpipigil sa sinaway Niya. Pansinin, tunay na ang mga kawal ni Allāh ay ang mga magwawagi dahil sa makakamit nila na hinihiling nila at dahil sa makaaalpas sa kanila na pinangingilabutan nila sa Mundo at Kabilang-buhay.