Huwag kayong lumapit sa yaman ng ulila kundi sa [paraang] pinakamaganda hanggang sa umabot siya sa katindihan niya. Magpalubus-lubos kayo sa pagtatakal at timbangan ayon sa pagkamakatarungan. Hindi Kami nag-aatang sa isang kaluluwa malibang ayon sa kakayahan nito. Kapag nagsabi kayo ay magpakamakatarungan kayo kahit pa sa isang may pagkakamag-anak. Sa kasunduan kay Allāh ay magpatupad kayo. Iyon ay itinagubilin Niya sa inyo, nang sa gayon kayo ay magsasaalaala. Al-An‘ām 6:152 ⧉
Tafsīr:
Nagbawal si Allāh na makialam kayo sa ari-arian ng ulila (ang nawalan ng ama niya bago nagbinata o nagdalaga) kundi ayon sa may dulot itong kabutihan, pakinabang sa kanya, at karagdagan sa ari-arian niya hanggang sa umabot siya sa kahustuhang gulang at matalos mula sa kanya ang katinuan ng isip. Nagbawal Siya sa inyo ng pang-uumit sa pagtatakal at timbangan, bagkus kinakailangan sa inyo ang katarungan sa pagkuha at pagbibigay sa pagtitinda at pagbili. Hindi Siya nag-aatang sa isang kaluluwa malibang ayon sa kakayahan nito. Kaya ang anumang hindi maaaring maiwasan na pagkadagdag o pagkakabawas sa mga takalan at iba pa sa mga ito ay walang paninisi roon. Nagbawal Siya sa inyo na magsabi kayo ng iba pa sa tama kaugnay sa pag-uulat o pagsasaksi, nang walang pagkiling sa isang kaanak o isang kaibigan. Nagbawal Siya sa inyo ng pagkalas sa kasunduan sa Kanya kapag nakipagkasunduan kayo sa Kanya, bagkus kinakailangan sa inyo ang paglubus-lubos niyon. Ang naunang nabanggit na iyon ay nag-utos sa inyo si Allāh ng isang utos na binibigyang-diin, sa pag-asang magsaalaala kayo sa kahihinatnan ng lagay ninyo.