[Siya ay] ang tagabuka ng madaling-araw at gumawa sa gabi bilang pamamahinga at sa araw at buwan bilang pagtutuus-tuos. Iyon ay ang pagtatakda ng Makapangyarihan, Maalam. Al-An‘ām 6:96 ⧉
Tafsīr:
Siya – kaluwalhatian sa Kanya at pagkataas-taas Siya – ay ang nagpapabuka ng liwanag ng madaling-araw mula sa dilim ng gabi. Siya ay ang gumawa sa gabi bilang pamamahinga para sa mga tao. Namamahinga sila rito mula sa pagkilos para sa paghahanap ng kabuhayan, upang makapagpahinga sila mula sa pagod nila sa paghahanap niyon sa maghapon. Siya ay ang gumawa sa araw at buwan na umiinog ayon sa isang pagtutuos na nakatakda. Ang nabanggit na iyon na bahagi ng karikitan ng pagkakagawa ay ang pagtatakda ng Makapangyarihan na walang nakikipanaig sa Kanya na isa man, Maalam sa mga nilikha Niya at anumang naaangkop sa kanila.