Sabihin mo: “Walang tatama sa amin kundi ang itinakda ni Allāh para sa amin. Siya ay ang Tagatangkilik namin. Kay Allāh ay manalig ang mga mananampalataya.” At-Tawbah 9:51 ⧉
Tafsīr:
Sabihin mo, O Sugo, sa mga mapagpaimbabaw na ito: "Walang aabot sa amin kundi ang itinakda ni Allāh para sa amin. Siya – kaluwalhatian sa Kanya – ay ang Pinapanginoon namin at ang Kalingaan Namin na nagpapakalinga kami. Kami ay mga nananalig sa Kanya sa mga kapakanan namin. Sa Kanya lamang ipinagkakatiwala ng mga mananampalataya ang mga kapakanan nila sapagkat Siya ay nakasasapat sa kanila. Kay inam ang Pinagkakatiwalaan!