Papaanong [magkakaroon ng isang kasunduan] samantalang kung mangingibabaw sila [na mga kaaway ninyo] sa inyo ay hindi sila magpapakundangan sa inyo sa pagkakamag-anak ni sa usapan? Nagpapalugod sila sa inyo sa pamamagitan ng mga bibig nila samantalang tumatanggi ang mga puso nila. Ang higit na marami sa kanila ay mga suwail. At-Tawbah 9:8 ⧉
Tafsīr:
Papaanong mangyayaring mayroon silang kasunduan at katiwasayan samantalang sila ay mga kaaway ninyo? Kung mananalo sila sa inyo ay hindi sila magsasaalang-alang sa inyo kay Allāh ni sa pagkakamag-anak ni sa kasunduan, bagkus magpapataw sila sa inyo ng kasagwaan ng pagdurusa! Nagpapalugod sila sa inyo sa pamamagitan ng magandang pananalitang binibigkas ng mga dila nila subalit ang mga puso nila ay hindi sumasang-ayon sa mga dila nila kaya naman hindi sila tumutupad sa sinasabi nila. Ang higit na marami sa kanila ay mga lumalabas sa pagtalima kay Allāh dahil sa pagsira nila sa kasunduan.