O mga sumampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allāh nang totoong pangingilag magkasala sa Kanya, at huwag nga kayong mamamatay malibang habang kayo ay mga Muslim. Āl ‘Imrān 3:102 ⧉
Tafsīr:
O mga sumampalataya kay Allāh at sumunod sa Sugo Niya, mangamba kayo sa Panginoon ninyo nang totoong pangangamba. Iyon ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipinag-uutos Niya, pag-iwas sa mga sinasaway Niya, at pasasalamat sa Kanya sa mga biyaya Niya. Kumapit kayo sa relihiyon ninyo hanggang sa dumating sa inyo ang kamatayan habang kayo ay nasa [kalagayang] iyon.