Kung may sumasaling sa inyo na isang maganda ay magpapasama ng loob sa kanila ito at kung may tumatama sa inyo na isang masagwa ay matutuwa sila dahil dito. Kung magtitiis kayo at mangingilag kayong magkasala ay hindi pipinsala sa inyo ang panlalansi nila ng anuman. Tunay na si Allāh sa anumang ginagawa nila ay Tagapaligid. Āl ‘Imrān 3:120 ⧉
Tafsīr:
Kung may dumadapo sa inyo, O mga mananampalataya, na isang biyaya dahil sa pagwawagi sa kaaway o pagkadagdag sa yaman at anak ay dumadapo sa kanila ang pagkabahala at ang lungkot. Kung may dumadapo sa inyo na isang kasawian dahil sa pagwawagi ng kaaway o pagkabawas sa yaman at anak ay natutuwa sila dahil doon at nagagalak sa kapighatian ninyo. Kung magtitiis kayo sa mga ipinag-uutos Niya at mga pagtatakda Niya at mangingilag kayo sa galit Niya sa inyo ay hindi pipinsala sa inyo ang pakana nila at ang pananakit nila. Tunay na si Allāh sa anumang ginagawa nila na pakana ay sumasaklaw at magtutulak sa kanila na mga nabibigo.