Hindi ba sila nag-isip-isip hinggil sa mga sarili nila? Hindi lumikha si Allāh ng mga langit at lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito malibang ayon sa katotohanan at isang taning na tinukoy. Tunay na marami sa mga tao sa pakikipagkita sa Panginoon nila ay talagang mga tagatangging sumampalataya. Ar-Rūm 30:8 ⧉
Tafsīr:
Hindi ba nag-isip-isip itong mga tagapagtambal na tagapagpasinungaling hinggil sa mga sarili nila kung papaanong lumikha sa mga ito si Allāh at humubog sa mga ito? Hindi lumikha si Allāh ng mga langit at hindi Siya lumikha ng lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito malibang ayon sa katotohanan sapagkat hindi Siya lumikha ng mga ito nang walang kabuluhan. Nagtalaga Siya para sa mga ito ng isang taning na itinakda para sa pananatili ng mga ito sa Mundo. Tunay na marami sa mga tao, sa pakikipagkita sa Panginoon nila sa Araw ng Pagbangon, ay talagang mga tagatangging sumampalataya roon kaya sila ay hindi naghahanda para sa pagbubuhay [na muli] ng gawang maayos na kinalulugdan sa ganang Panginoon nila.